top of page

PAMPAARALANG PAGDIRIWANG NG BUWAN NG WIKANG PAMBANSA

Pinangunahan ng koordineytor sa Filipino na si Gng. Carmencita Santos ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ito ay alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos at alinsabay sa paggunita ng kaarawan ng dating Pangulong Manuel L. Quezon ang tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa” noong ika-19 ng Agosto taong 1878. Sa bisa ng proklamasyong ito ay ang pagsasagawa ng mga makabuluhan at napapanahong mga programa na may kinalaman sa wika at kulturang Pilipino.

Ipagdiriwang ang Buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika sa buong bansa. Ayon sa Memorandum Blg. 79 s. 2015 ng Kagawaran ng Edukasyon, ang layunin ng paggunita at pagdiriwang ng buwan ng wika ay ang mga sumusunod: ganap na maipatupad ang Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041; mahikayat ang iba’t ibang ahensiyang pampamahalaan at pampribado na makiisa sa mga programa tulad nito na nagpapataas ng kamalayang pangwika at sibiko; at maipakita ang kahalagahan ng wika na higit pa sa pambansang kaunlaran.

Ang selebrasyon ng Buwan ng Wika na idinaos noong ika-28 ng Agosto ay may Pangkalahatang tema na “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansabg Filipino”. Ang mababang paaralan ng Sto. Niño ay nakiisa sa adhikaing lalong pagyamanin ang lahing Pilipino at palawakin pa ang paggamit ng wikang Filipino. Tunay na pinahalagahan ng paaralang ito ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika. May iba’t ibang palatuntunan at patimpalak na ginawa gaya ng paggawa ng poster, pagsulat ng islogan, tagisan ng talino at Sulkas Tula (pagsulat at pagbigkas ng tula).

Matindi ang naging tungalian sa bawat patimpalak. Bawat isa ay nagtangkang sungkitin ang unang parangal. Nakatanggap ng parangal at sertipiko ang bawat batang nanalo at sumali.

Natapos ang palatuntunan ng masaya ang bawat isa lalo na ang mga bata. Naipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng Wikang Filipino. Naipaunawa sa kanila na dapat mahalin ang ating wika ng buong puso, hindi lamang sa salita kundi pati na rin sa gawa.

bottom of page